Arestado ng mga tauhan ng Municipal Drug Enforcement Team ng Rosario Municipal Police Station ang isang barangay tanod na umano’y sangkot sa pagbebenta ng iligal na droga sa Brgy. San Isidro, Rosario, Batangas nitong Nobyembre a-2, 2025.
Kinilala ang suspek na “Tony,” 45 anyos, may asawa, at residente ng Brgy. Nasi sa nasabing bayan.
Ayon sa Rosario Police, nasakote si Tony sa isang buy-bust operation na isinagawa ng Rosario MPS sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.
Narekober mula sa suspek ang isang maliit na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, na tumitimbang ng tinatayang 0.10 gramo at may halagang P680 base sa standard drug price. Kabilang din sa mga nakuha ang isang P500 na buy-bust money na may serial number.
Matapos makumpleto ang mga kinakailangang papeles, isasampa ang kaso laban sa suspek sa Office of the Provincial Prosecutor para sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa pahayag ni Police Colonel SIBALO, binigyang-diin niyang hindi magdadalawang-isip ang kapulisan na arestuhin kahit pa ang mga nasa posisyon, kung sila ay masasangkot sa ilegal na droga. | BChannel news