Nahuli ng Nasugbu Municipal Police Station ang isang lalaki na nakilalang si Jeremiah, 26 anyos, at nakatira sa Brgy. Kaylaway, Nasugbu, Batangas, dahil sa kasong Acts of Lasciviousness at Theft, kaninang madaling araw Nobyembre 4.
Ayon sa imbestigasyon, habang natutulog ang biktima na si Ann, isang cashier, sa loob ng kanilang bahay, hinalikan siya ng suspek sa labi at inabusuhan ang kanyang katawan. Nang magising, agad niyang napansin na hindi ang kanyang asawa ang nasa tabi niya. Agad na tumakas ang suspek pauwi sa kanyang tirahan.
Humingi ng tulong ang mga biktima sa kanilang barangay, at ito ay agad na iniulat sa Nasugbu MPS. Ang mga pulis ay rumesponde at naaresto ang suspek. Sa oras ng pag-aresto, siya ay maayos na pinaalam sa kanyang karapatan alinsunod sa batas at anti-torture provisions.
Sa isinagawang body search, narekober mula sa suspek ang tatlong cellphone na pag-aari ng mga biktima: isang cellphone na nagkakahalaga ng P6,500, isang cellphone na nagkakahalaga ng P7,000, at isang pang unit ng cellphone na nagkakahalaga ng P5,000.
Kasalukuyang inihahanda ng mga pulis ang kaso para isampa sa tanggapan ng Piskalya sa Batangas City. | BChannel news