Hinimok ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III si dating kongresista Elizaldy Co na umuwi sa bansa at personal na harapin ang mga alegasyon ng korapsyon kaugnay ng flood control projects.
Ayon kay Dy, hindi sapat ang pagpapalabas ng video mula sa abroad. Dapat umano ay humarap si Co sa Independent Commission for Infrastructure, manumpa, at magbigay ng ebidensiya para linisin ang kanyang pangalan.
Sinabi rin ni Dy na handa ang Kamara at mga kaukulang ahensya na bigyan ng proteksyon si Co kung siya’y magbibigay ng testimonya. Pag-upo pa lamang niya bilang Speaker ay agad niyang ipinacancel ang travel authority at pinakiusapan ang DFA na kanselahin ang pasaporte ni Co upang mapauwi ito.
Giit ni Dy, lahat ng ibang kongresistang kailangang magpaliwanag ay kusa nang humarap sa ICI—maliban kay Co na nananatili pa rin sa abroad at naglalabas lamang ng video. Dahil dito, ani Dy, lalo lang lumalabo ang sitwasyon at nalilito ang publiko.
Tiniyak ng Speaker na kasama siya ng taumbayan sa paghahanap ng katotohanan. Kaya muli niyang panawagan: “Dating Rep. Co, umuwi po kayo at harapin ang bayan.” | BChannel news