Muling tiniyak ng Philhealth ang suporta para sa mga taong nabubuhay na may HIV sa pag-launch ng mas pinalawak na outpatient care package.
Kasabay ng World AIDS Day, inihayag ng ahensya ang pagtaas ng benepisyo ng OHAT Package sa ₱58,500 kada taon, halos doble mula sa ₱30,000. Saklaw nito ang antiretroviral therapy at mahahalagang lab tests para sa tamang paggamot, anuman ang clinical status ng pasyente.
Ayon kay PhilHealth Acting President Dr. Edwin Mercado, patuloy nilang poprotektahan ang pribadong impormasyon ng PLHIV at hinikayat ang mga pasyente na huwag matakot magpagamot.
Iniulat ng DOH na mahigit 5,500 bagong kaso ang naitala mula Hulyo hanggang Setyembre 2025, dahilan kaya isinusulong ang deklarasyon ng public health emergency.
Sinabi ng PhilHealth na tugma ang pinalakas na HIV response sa direktiba ng Pangulong Marcos na palawakin ang access sa maagang diagnosis at gamutan. Sa ngayon, ang OHAT Package ay available sa 234 treatment hubs sa buong bansa.
Nanawagan din si Mercado sa mga magulang at komunidad na alalayan ang mas nakababatang pasyente upang hindi sila mawalan ng pag-asa.