Nasamsam ng mga tauhan ng Ibaan Municipal Police Station ang ilang armas at bala sa isinagawang Search Warrant operation laban sa isang lalaki na alyas “Sais” sa Barangay Lucsuhin sa Ibaan, Batangas noong December 10, 2025.
Pinangunahan ang operasyon ni PMAJ John Leo P. Cuasay, hepe ng istasyon, base sa warrant na inilabas ng Executive Judge ng Lucena City.
Ayon sa Batangas Police Provincial Office, ang suspek na 48 anyos, may-asawa, at isang driver na residente rin ng naturang barangay, ay inabutan ng pulisya sa kanyang tahanan.
Kabilang sa nakumpiskang ebidensya ang isang improvised caliber .22 pistol na walang serial number, dalawang magazine para sa cal. 22, dalawampu’t walong live ammunition, at isang malaking pouch na kulay blue at red.
Patuloy na iniimbestigahan ang insidente habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act laban sa suspek. | BChannel news