Nanawagan si dating Department of Finance Undersecretary Cielo Magno na ilipat na sa PhilHealth ang pondo ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients o MAIFIP upang tuluyang wakasan ang patronage politics sa health assistance.
Ayon kay Magno, hindi na dapat napipilitang humingi ng guarantee letter sa mga politiko ang mga pasyente para lang makakuha ng tulong.
Sa kasalukuyan, ang MAIFIP ay pinopondohan ng Department of Health ngunit binabatikos dahil sa mabagal na proseso at umano’y paggamit nito sa impluwensiyang politikal.
Sa ilalim ng panukala, ang tulong ay magiging awtomatikong benepisyo sa pamamagitan ng PhilHealth alinsunod sa Universal Health Care Act at hindi na nakadepende sa endorsement ng sinumang politiko.
Kasabay nito, iminungkahi ng DOH na idiretso na sa mga ospital ang P51 bilyong pondo ng MAIFIP sa susunod na taon, na ayon sa ahensya ay tinanggap na ng Senado.
Layunin ng hakbang na mapabilis ang pagdating ng tulong, maging mas transparent ang paggastos, at mas agarang matulungan ang mga pasyente.