Arestado ang isang lalaki matapos tumakas sa pulis at mahulihan ng hinihinalang iligal na droga sa Barangay Sirang Lupa, Batangas City, madaling araw ng December 15.
Ayon sa Batangas City Police Station, bandang alas-6 ng umaga nang mapansin ng mga pulis na sina PMSg Norbin Rosales at Patrolman Reginald Claus ang suspek na si James na sakay ng motorsiklo at walang suot na helmet. Nang sitahin dahil sa paglabag sa traffic rules, hindi ito huminto at sa halip ay sumagot pa umano ng “pakialam mo” bago mabilis na tumakas.
Nagkaroon ng maikling habulan hanggang sa maharang ang suspek. Sa isinagawang frisking, narekober sa kanyang belt bag ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu at isang sachet ng hinihinalang marijuana. Tinatayang 1.34 gramo ang shabu na may halagang mahigit P9K, habang ang marijuana ay tinatayang isang gramo na nagkakahalaga ng isang P1,500.
Inihahanda na ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa suspek sa Batangas City Prosecutor’s Office. | BChannel news