Arestado ang isang itinuturing na High Value Individual matapos makumpiskahan ng mahigit P600K halaga ng ilegal na droga sa Barangay Sampiro, San Juan, Batangas
Kinilala ang suspek sa alyas na Mark, 40-anyos, may asawa at residente ng nasabing barangay, na naaresto ng mga tauhan ng San Juan Municipal Police Station noong Disyembre 21, 2025 sa isinagawang buy-bust operation.
Nasamsam mula sa kanya ang tinatayang 91.20 gramo ng hinihinalang shabu na may Dangerous Drugs Board value na animnaraang dalawampung libo, isang-daang animnapung piso, kasama ang isang limang daang pisong buy-bust money.
Isinagawa ang operasyon sa presensya ng isang halal na barangay opisyal at kinatawan ng media, at gumamit ng alternative recording device.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Ayon sa Batangas Police, tuloy-tuloy ang kanilang kampanya laban sa ilegal na droga at hindi nila hahayaang malayang kumilos ang mga sangkot sa lalawigan.