Hinarang ng Philippine Coast Guard ang limang indibidwal na iligal na nagtangkang umakyat sa M/V Super Shuttle RORO 9 sa karagatang sakop ng Bauan, Batangas nitong gabi ng Enero a-3, 2026.
Ayon sa Coast Guard, bandang alas-10 ng gabi nang magsagawa sila ng seaborne patrol matapos makatanggap ng ulat hinggil sa posibleng pagnanakaw sa isang barkong naka-angkla.
Pagsapit ng alas-11:50 ng gabi, namataan at naharang ang isang motorbanca na papalapit sa nasabing barko.
Isang lalaki ang agad na naaresto sa bangka, kung saan narekober ang mga kable na pinaniniwalaang gagamitin sa iligal na aktibidad. Dahil dito, agad na nag-deploy ng karagdagang tauhan ang Coast Guard upang bantayan ang lugar.
Sa isinagawang masusing paghahalughog sa barko, apat pang indibidwal ang nadakip. Lahat ng limang suspek ay dinala sa Coast Guard Sub-Station sa Bauan para sa dokumentasyon at medical examination. Sa ngayon, inihahanda na ang kaukulang kasong isasampa laban sa mga ito.