Pitong hinihinalang tulak ng ilegal na droga ang naaresto sa magkakahiwalay ngunit sunod-sunod na buy-bust operations na ikinasa ng pulisya sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan ng Batangas noong Enero 7, 2026.
Ang mga operasyon ay isinagawa sa Lemery, Tanauan City, Calaca City, at Agoncillo, sa ilalim ng koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Sa Lemery, alas-1:47 ng hapon nang maaresto ang isang street-level individual na si “Kier” sa Barangay Palanas matapos makuhanan ng isang sachet ng hinihinalang shabu at limandaang pisong buy-bust money.
Sumunod ang operasyon sa Tanauan City alas-3:55 ng hapon sa Barangay Talaga kung saan naaresto ang suspek na alyas “Roberto.” Dalawang sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na isang gramo at marked money ang nasamsam sa kanya.
Alas-7:05 naman ng gabi nang masakote sa Barangay Dacanlao, Calaca City ang suspek na si “Jhon.” Bukod sa isang sachet ng hinihinalang shabu, nakuha rin sa kanya ang isang tunay na limandaang piso at dalawang pekeng papel na pera. Dinala ang suspek sa ospital para sa medical examination bago ikinulong.
Makalipas ang mahigit isang oras, alas-8:20 ng gabi, isa pang buy-bust operation ang ikinasa sa Barangay Janopol Oriental, Tanauan City kung saan naaresto ang suspek na si “Jaymark” matapos makuhanan ng isang sachet ng hinihinalang shabu at marked money.
Bandang alas-10:29 ng gabi, dalawang suspek na sina “Charlie” at “Gian” ang nadakip sa Barangay Subic Ibaba, Agoncillo. Nahuli ang isa sa aktong nagbebenta ng hinihinalang shabu sa isang pulis na nagpanggap na buyer, habang ang isa ay inaresto dahil sa pakikipagsabwatan. Anim na sachet ng hinihinalang shabu, marked money, isang coin purse, at isang motorsiklo ang nasamsam sa operasyon.
Ayon sa pulisya, lahat ng operasyon ay isinagawa gamit ang mga recording devices at mga halal na opisyal ng barangay. Inihahanda na ang mga dokumento at ebidensya para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga naarestong suspek.
Sa ngayon mahaharap ang mga suspek sa kasong Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.