Mabilis na rumesponde ang Philippine Coast Guard District Southern Tagalog sa sunog na sumiklab sa motor yacht na Allusive habang naglalayag sa karagatan ng Tingloy, Batangas nitong ika-27 ng Enero ng umaga.
Bandang alas-7:35 ng umaga, namataan ng mga tauhan ng Coast Guard Sea Marshal ang usok at apoy mula sa nasabing yacht at agad itong ini-report.
Kaagad namang nagpadala ng high-speed response boat ang Coast Guard kasama ang medical, maritime safety, at environmental protection teams, katuwang ang mga sub-station sa Tingloy at Batangas City.
Ayon sa paunang ulat, nagmula ang sunog sa engine room ng yacht na posibleng dulot ng electrical failure na patuloy pang iniimbestigahan.
Bilang pag-iingat, lumikas ang pitong Pilipinong crew at nailigtas sa tulong ng kasamang yacht na Neptimus 3. Lahat ng crew ay nasa mabuting kalagayan at walang iniulat na nasugatan.
Naglatag ng safety perimeter ang Coast Guard at pansamantalang pinaghigpitan ang galaw ng mga sasakyang-dagat sa lugar.
Ang nasirang yacht ay hinila patungo sa baybayin. Patuloy ang pagbabantay ng Coast Guard para sa kaligtasan sa dagat at posibleng epekto sa kapaligiran. | BChannel news | Photo: Philippine Coast Guard District Southern Tagalog