Dalawang magkahiwalay na insidente ng pagnanakaw sa mga branch ng isang kilalang convenience store sa bayan ng Rosario, Batangas ang iniulat ng Regional Police Office 4A, na pinaniniwalaang isinagawa ng iisang grupo ng mga suspek.
Batay sa report ng Rosario Municipal Police Station, naganap ang unang insidente bandang alas-10:57 ng gabi ng Pebrero 1, 2026 sa isang Alfamart sa Barangay San Ignacio.
Ayon sa imbestigasyon, dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na armado ng baril, kapwa naka-jacket at helmet, ang pumasok sa tindahan at tinutukan ang crew bago puwersahang kinuha ang humigit-kumulang P91K mula sa vault. Mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng hindi matukoy na uri ng motorsiklo na may plate number na 09746S at tinahak ang silangang direksyon.
Ilang minuto matapos ang unang insidente, bandang alas-11:10 ng gabi ng parehong araw, isa pang Alfamart naman sa Barangay Alupay ang pinasok at hinoldap ng kaparehong modus.
Sa ulat, tinutukan din ng baril ang store crew at tinangay ng mga suspek ang mas malaking halaga ng pera na tinatayang umaabot sa P180,000. Muli, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng parehong motorsiklo at tinahak ang rutang patungong San Juan, Batangas.
Pormal na naiulat sa pulisya ang mga insidente kinabukasan, Pebrero 2, 2026, kung saan agad na nagsagawa ng ocular inspection, follow-up investigation, at masusing pagsusuri ng mga kuha ng CCTV ang mga awtoridad.
Humiling din ang Rosario MPS ng dragnet operation sa mga karatig-bayan upang matunton at maaresto ang mga salarin. Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya.
Sa kaparehong araw lang, naitala rin ang panghoholdap sa 2 branch ng Lipa City at isa pa sa Ibaan, Batangas. | BChannel news