Arestado ang isang 28-anyos na lalaki na kilala bilang “BIIK” matapos ang isang buy-bust operation na ikinasa ng Calaca Component City Police Station sa Barangay Salong, Calaca City, Batangas, nitong ika-5 ng Pebrero, 2026.
Ayon sa Batangas Police Provincial Office, nasamsam mula sa suspek ang hinihinalang shabu na tumitimbang ng halos 0.45 gram na may tinatayang halagang P3K, kasama ang buy-bust money na binubuo ng isang tunay at dalawang pekeng isang libong pisong papel. Narekober din ang isang kalibre 38 na revolver na walang serial number, dalawang bala, isang asul na backpack, at isang pulang motorsiklo.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ayon sa pulisya, gumamit ng dalawang recording devices sa operasyon at ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatang konstitusyonal. Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng pulisya habang inihahanda ang mga dokumento at ebidensya para sa pagsasampa ng kaukulang kaso sa korte.
Iginiit ng kapulisan na patuloy nilang paiigtingin ang operasyon laban sa ilegal na droga at loose firearms upang mapanatiling ligtas at drug-free ang lalawigan ng Batangas.