Patay ang isang lalaking suspek sa carnapping matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis sa Talao-Talao Bypass Road, Barangay Mayao Parada, Lucena City bandang alas-10:50 kagabi, Pebrero 12.
Ayon sa ulat ng Lucena City Police Station, nagsagawa ng follow-up at hot pursuit operation ang mga awtoridad matapos makatanggap ng impormasyon sa kinaroroonan ng natitirang suspek sa naunang naiulat na carnapping kung saan isa na ang naaresto habang ang isa ay nakatakas.
Namataan umano ang suspek habang sakay ang tinangay na motorsiklo. Ngunit nang mapansin ang papalapit na mga pulis, agad itong tumakas dahilan upang magkaroon ng habulan. Nang makorner, umano’y bumunot ng baril at nagpaputok ang suspek laban sa mga operatiba. Dahil dito, gumanti ng putok ang mga pulis.
Agad siyang dinala sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Sa beripikasyon ng rekord, lumabas na may umiiral na warrant of arrest ang suspek kaugnay ng kasong theft. Nirekomenda naman ang pagproseso ng crime scene ng Quezon Provincial Forensic Unit para sa mas masusing imbestigasyon. | BChannel news