Arestado ang isang 51 anyos na lalaki matapos magnakaw ng cellphone sa loob ng isang restaurant sa General Luna St., Brgy. Sabang, sa Lipa City, Batangas kaninang madaling araw ng Pebrero 17.
Kinilala ang suspek na si Sonny, isang color game operator, residente ng Brgy. Pandayan, Taal, Batangas.
Ayon kay PLTCOL Aleli Cuyan Buaquen, Chief of Police ng Lipa City, alas-4:20 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Kwatogs Restaurant.
Batay sa imbestigasyon, nakatulog umano sa counter ang 22 anyos na cashier nang pumasok ang suspek at tangayin ang kanyang mobile phone. Nagising ang biktima at nakita ang suspek na tumakas patungong Poblacion area.
Agad namang ginamit ng biktima ang iCloud tracking upang matukoy ang lokasyon ng cellphone, na na-trace sa Barangay Muzon sa Alitagtag, Batangas.
Sa koordinasyon ng Alitagtag Municipal Police Station, nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek at pagkarekober ng naturang cellphone.
Nahaharap ang suspek sa kasong theft at inihahanda na ang pagsasampa ng kaso sa Lipa City Prosecutor’s Office. | BChannel news