Arestado ang isang 40-anyos na lalaki matapos maaktuhan sa bisa ng search warrant sa Brgy. Balakilong, Laurel, Batangas ngayong araw, February 18, 2026.
Kinilala ang suspek na si “Densel,” at residente ng naturang barangay.
Inaresto siya ng mga tauhan ng Laurel Municipal Police Station dahil sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon sa Batangas Police Provincial Office, nakumpiska sa kanyang bahay ang isang kalibre .38 revolver na may anim na bala, at isang sachet ng shabu na tinatayang may bigat na dalawang gramo at nagkakahalaga ng P13, 600.
Isinagawa ang operasyon sa harap ng mga opisyal ng barangay, kinatawan ng media at asawa ng suspek. Gumamit din ng dalawang alternative recording devices para sa dokumentasyon ng search.
Naipabatid na sa suspek ang kanyang mga karapatan at kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng Laurel Municipal Police Station habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya.