Isang estudyanteng babae ang nasawi matapos malunod habang naliligo sa isang lawa sa Brgy. Gonzales, Tanauan City, Batangas nitong Lunes, March 9.
Batay sa ulat ng Tanauan City Component Police Station, bandang 8:00 AM ng March 9 nang makatanggap ng tawag mula sa opisyal ng barangay hinggil sa insidente ng umano’y pagkalunod sa lugar.
Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na ang biktima ay naliligo sa lawa kasama ang ilang kamag-anak nang mapansin ng mga ito na nahihirapan na itong lumangoy sa mas malalim na bahagi ng tubig. Agad namang sinubukan ng mga kasama na sagipin ang biktima ngunit hindi nila ito naiahon agad mula sa tubig.
Dahil dito, mabilis na dinala ang biktima sa Laurel Memorial District Hospital upang mabigyan ng agarang lunas. Gayunman, idineklara itong Dead on Arrival.
Ayon pa sa pulisya, sa isinagawang paunang imbestigasyon ay walang nakitang senyales ng foul play.
Ang nasawi ay kinilala bilang Trisha, isang minor at estudyante na residente ng Brgy. Natatas, Tanauan City. | BChannel News