Naglabas ng Show Cause Order ang Land Transportation Office laban sa rehistradong may-ari at driver ng isang kotse na nasangkot sa viral road rage incident sa Sta. Lucia, Pasig City.
Sa kumalat na video sa social media, makikitang nakikipagtalo at nauwi sa pisikalan ang babaeng driver at isa pang kasama nito laban sa isang motorcycle rider matapos ang aksidente.
Sa paunang imbestigasyon, paliko umano ang motorsiklo nang mabangga ng kotse ang likuran nito dahilan para matumba ang rider.
Inaatasan ng LTO ang driver na humarap sa pagdinig at magsumite ng sinumpaang salaysay upang ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat kasuhan ng obstruction of traffic at kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang kanyang lisensya.
Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, suspendido na ng 90 araw ang lisensya ng driver at inilagay naman sa alarm status ang sasakyan. Kung hindi sila sisipot sa pagdinig, magpapatuloy ang kaso base sa ebidensyang hawak ng ahensya. | BChannel