Nag-inspeksyon si Department of Public Works and Highways o DPWH Secretary Vince Dizon sa hindi pa tapos na bahagi ng Batangas City–San Pascual–Bauan Diversion Road.
Ang proyekto na nagsimula pa noong 2017 ay may kabuuang habang 11 kilometro, pero hindi pa rin matapos ang huling dalawang kilometro dahil sa problema sa right-of-way o pagbili ng lupa sa mga pribadong may-ari.
Ayon kay Dizon, sa tulong ng lokal na pamahalaan ng Bauan, target nilang matapos ang negosasyon sa mga landowners upang tuluyan nang makumpleto ang proyekto bago ang 2027.
Paliwanag ng kalihim, may sapat nang pondo ngayon para sa right-of-way matapos ipag-utos ng Pangulo na siguraduhing may budget para rito.
Mahalaga ang diversion road dahil mag-uugnay ito sa Bauan International Port, STAR Tollway at iba pang pangunahing highway sa Luzon.
Kapag natapos ang proyekto, inaasahang luluwag ang trapiko sa Bauan at mababawasan pa ang congestion sa Port of Manila ng hanggang dalawampung porsyento. | BChannel news