Nahuli ang tinaguriang regional-level most wanted person na nahaharap sa dalawang kasong murder sa isinagawang warrant operation ng pulisya sa Barangay Palingowak, San Juan, Batangas, bandang alas-11 ng umaga noong March 15, 2026.
Kinilala ang suspek na si “Nelson,” 56 anyos at residente ng nasabing lugar. Siya ay dinakip ng warrant-serving team matapos isilbi ang dalawang warrant of arrest na inisyu ng mga korte sa Batangas, na parehong walang inirekomendang piyansa.
Isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng mga pulis at regional intelligence operatives bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa mga wanted persons na sangkot sa mabibigat na krimen.
Ayon kay PNP Chief PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., patunay ang pagkakaaresto sa tuloy-tuloy na commitment ng kapulisan na mapanagot ang mga kriminal at mabigyan ng hustisya ang mga biktima.
Dagdag pa niya, hindi titigil ang PNP hangga’t hindi nahaharap sa batas ang mga may sala, kasabay ng pagpapalakas ng police operations sa ilalim ng kanilang kasalukuyang programa. | BChannel News