Nanawagan si Senador Bam Aquino sa gobyerno na maging transparent at mas mapagmatyag sa oil companies kasabay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo. Ayon sa senador, dapat direktang maramdaman ng publiko ang benepisyo ng Senate Bill 1982, na layong isuspinde ang excise tax sa langis.
Giit ni Aquino, kapag naisabatas ito, inaasahang bababa ang presyo ng diesel at gasolina—na malaking tulong hindi lang sa mga motorista kundi pati sa presyo ng mga bilihin. Dagdag pa niya, mahalaga ang agarang implementasyon nito para hindi na lumala ang epekto ng mataas na fuel prices sa pang-araw-araw na gastusin.
Prayoridad din ng senador ang proteksyon sa transport sector at sa micro, small, and medium enterprises o MSMEs. Babala niya, kung hindi agad kikilos ang pamahalaan lalo na sa gitna ng tensyon sa Middle East, posibleng magsara ang maliliit na negosyo at mawalan ng trabaho ang maraming Pilipino.
Bagama’t iba ang sitwasyon kumpara sa pandemya, sinabi ni Aquino na pareho pa rin ang layunin—panatilihing bukas ang ekonomiya, mga paaralan, at kabuhayan sa pamamagitan ng mabilis at epektibong aksyon ng gobyerno.
Samantala, aprubado na ng Kongreso ang panukala at hindi na daraan sa bicameral conference committee. Ipapadala na ito sa Pangulo para sa pirma. Sa ilalim ng panukala, maaaring suspindihin o bawasan ang excise tax kapag umabot sa $80 kada bariles ang presyo ng Dubai crude oil sa loob ng isang buwan. Posibleng bumaba ng hanggang ₱10 kada litro ang diesel at ₱7 naman sa gasolina.
Gayunman, tiniyak ni Aquino na babantayan ng Senado ang mga oil companies para masigurong ipapasa sa consumers ang pagbaba ng presyo, at hindi mananatili sa kita ng mga kumpanya ang benepisyo ng tax suspension.