Arestado ang tatlong suspek sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya sa Padre Garcia, Batangas at Rosario, Batangas kaugnay sa brutal na pagpatay sa isang lalaki.
Sa Police Regional Office CALABARZON, isinagawa ang hot pursuit operation bandang alas-5 ng hapon noong April 11 kung saan nadakip si Jesus sa Brgy. Namunga, habang sina Edwin at Anacieto ay naaresto sa Brgy. Maugat West.
Ang mga suspek ay iniugnay sa pagkamatay ng biktimang si Eugene, 39 anyos, isang virtual assistant at residente ng lugar, na natagpuang wala nang buhay noong April 10.
“Basag ang bungo, wasak na wasak ang mukha, durog ang dibdib, nakatali ang katawan, at bali ang mga binti. Bago siya pinatay, sumailalim siya sa matinding torture at pagpapahirap. Ginawa siyang parang hayop, parang baboy na walang awang pinatay. Anong klaseng demonyo ang gagawa noon?.” ayon sa Faceboook post ng kaanak ng biktima.
Dagdag pa, umano’y nakaranas ng matinding torture ang biktima bago tuluyang pinatay.
Inilarawan ng pamilya ang biktima bilang mabuting tao, responsable, at maka-Diyos, na nag-iwan ng dalawang anak kung saan isang sanggol na dalawang linggo pa lamang at isang batang nasa apat hanggang limang taong gulang.
Sa ngayon nagpapatuloy ang imbestigasyon sa motibo ng mga suspek sa ginawang pagpaslang.
Sa ngayon, inihahanda na ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa tatlong suspek sa tanggapan ng piskalya. | BChannel News