Dalawang magkahiwalay na panghoholdap sa convenience stores ang naitala sa Laiya Aplaya at Nagsaulay, San Juan, Batangas nitong April 15, kung saan tinangay ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang cash bago tumakas sakay ng motorsiklo.
Sa kabila nito, ligtas ang lahat ng empleyado at walang naiulat na nasaktan.
Agad nagsagawa ng hot pursuit at dragnet operations ang pulisya sa koordinasyon ng mga kalapit na istasyon, na nagresulta sa follow-up operation sa Sitio Baybayin, Brgy. Pury, San Antonio, Quezon bandang 8:35 ng gabi. Nauwi ito sa engkwentro kung saan naaresto ang isang 24-anyos na lalaki na residente ng Brgy. Banlic, Calamba City.
Narekober mula sa suspek ang motorsiklo, isang kalibre .45 na baril, magazine na may apat na bala, at isang black leather holster. Dinala siya sa Candelaria District Hospital para sa paunang lunas bago inilagay sa kustodiya ng Tiaong Municipal Police Station.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon para matukoy kung direktang konektado ang suspek sa mga insidente sa Laiya Aplaya at Nagsaulay, habang sinusuri rin ang posibleng ruta ng pagtakas at iba pang kasabwat.
Sa gitna nito, muling nabubuksan ang usapin sa seguridad sa mga kilalang destinasyon tulad ng Laiya, kung saan inaasahan ng publiko ang mas consistent na police presence at konkretong hakbang para maiwasan ang ganitong krimen, lalo na sa mga lugar na dinadayo ng turista.