Arestado ang isang 40-anyos na construction worker na kilala sa alyas na “Bito” matapos maaktuhan sa isinagawang buy-bust operation ng Batangas City Police Station sa Brgy. Tinga Itaas nitong May 4.
Ayon sa pulisya, nahuli ang suspek matapos umanong magbenta ng hinihinalang shabu sa isang poseur-buyer na agad nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.
Nakumpiska umano mula sa suspek ang anim na sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na nasa dalawang gramo at halagang P13,600, isang 12-gauge shotgun na walang serial number, coin purse, at marked money na ginamit sa operasyon.
Sinabi ng mga awtoridad na naitala ang operasyon gamit ang body-worn cameras bilang bahagi ng standard procedure.
Nasa kustodiya na ng Batangas City Police ang suspek habang inihahanda ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.