Isang menor de edad ang nasawi sa Pililla, Rizal matapos umano’y aksidenteng masakal ng nylon hammock o duyan sa loob ng kanilang bahay, ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya.
Batay sa ulat ng Pililla Municipal Police Station, nangyari ang insidente noong gabi ng May 4 sa Sitio Tobacco, Barangay Hulo, ngunit nai-report lamang ito sa mga awtoridad kinagabihan ng May 5.
Ayon sa ina ng biktima, inutusan niya ang anak na magsaing habang siya ay nasa labas ng bahay. Habang naghihintay umano maluto ang kanin, nakita niyang kinukuha ng bata ang nakasabit na duyan sa kusina, at inakalang naglalaro lamang ito.
Makalipas ang halos isang oras, bumalik ang ina upang tingnan ang anak ngunit dito na niya nakita ang bata na wala nang malay habang nakaluhod at nasasakal ng duyan.
Humingi siya agad ng tulong sa mga kapitbahay, at naisugod pa sa ospital ang bata, pero idineklara itong dead on arrival ng doktor.
Sa ngayon, batay sa pahayag ng pamilya, walang indikasyon ng foul play at pinaniniwalaang aksidente ang insidente, habang nagpapatuloy pa rin ang masusing imbestigasyon ng pulisya para malinaw na matukoy ang buong pangyayari.