Inaprubahan ng U.S. Department of State ang posibleng Foreign Military Sale sa Pilipinas ng 22 Bell 505 Jet Ranger X helicopters at kaugnay na kagamitan na tinatayang aabot sa $150 million o mahigit P8 bilyon.
Ayon sa anunsyo, hiling ng Philippine government ang pagbili ng 22 helicopters kasama ang spare parts tulad ng main at tail rotor blades, pilot training para sa 22 piloto, maintenance training para sa mga technical personnel, Bell 505 flight simulators, at limang taong Integrated Logistics Support package.
Kasama rin sa package ang tools, ground support equipment para sa dalawang operating bases, technical publications sa loob ng 20 taon, Garmin subscriptions sa loob ng limang taon, at delivery at reassembly ng mga aircraft.
Sinabi ng US na layunin ng posibleng bentahan na palakasin ang kakayahan ng Pilipinas sa rotary-wing aircraft training at mas maihanda ang mga piloto para sa mas advanced na military helicopters sa hinaharap.
Ang Bell Textron Inc. ng Texas ang pangunahing contractor para sa deal.
Gayunman, nilinaw na approval pa lamang ito ng posibleng bentahan at hindi pa nangangahulugang final o tapos na ang aktwal na pagbili ng Pilipinas. Ayon sa US, dadaan pa ito sa karagdagang proseso bago tuluyang maisakatuparan.