Nagkasa na ng sariling imbestigasyon ang National Police Commission o NAPOLCOM laban sa isang pulis-Malolos matapos mag-viral ang video na nagpapakita umano ng pananakit nito sa kanyang kinakasama sa Bulacan noong May 10.

Sa press briefing sa Quezon City, iniharap ng komisyon ang sangkot na pulis at ang biktima habang iginiit ng NAPOLCOM na tuloy ang kaso kahit umatras pa ang complainant.
Ayon kay Commissioner Ralph Calinisan, walang puwang sa hanay ng kapulisan ang anumang uri ng karahasan, lalo na laban sa kababaihan, at hindi dapat ito maging larawan ng buong police force.
Binigyang-diin din niya na ang pagiging pulis ay may pananagutan 24 oras kada araw, naka-duty man o hindi, dahil kasama sa panunumpa ang maayos na paglilingkod sa publiko.
Dahil dito, rerepasuhin na rin ng komisyon ang recruitment at screening process ng mga gustong pumasok sa police service upang masigurong may disiplina, integridad, at respeto sa karapatang pantao.