Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

Retiradong pulis sugatan, driver patay sa barilan sa Padre Garcia, Batangas

crime scene do not cross signage

Isang lalaki ang nasawi habang isa pa ang kritikal matapos mauwi sa barilan ang mainit na pagtatalo ng magkapitbahay sa Brgy. Castillo, Padre Garcia, Batangas nitong Mayo 15 ng gabi.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Padre Garcia Municipal Police Station, bandang 6:20 PM nang magkaroon umano ng komprontasyon malapit sa bakuran ng isa sa mga sangkot.

Sa kuha ng CCTV, makikitang nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang 55 anyos na retiradong pulis at ang 65 anyos na driver habang nasa tapat ng bakuran.

Sa gitna ng tensyon, nauwi ito sa palitan ng putok matapos umano unang bumunot ng baril ang driver at pagbabarilin ang retiradong pulis ng ilang beses.

Gumanti rin ang retiradong pulis at pinaputukan ang driver, dahilan para parehong duguang isugod sa ospital.

Idineklarang patay ang driver dakong 7:44 PM, habang patuloy namang ginagamot ang retiradong pulis na nananatiling nasa kritikal na kondisyon.

Sa imbestigasyon sa crime scene, narekober ng mga awtoridad ang dalawang baril, mga magazine, basyo ng bala, at bullet fragments.

Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng pulisya, kabilang ang panayam sa mga posibleng testigo, pagsusuri ng CCTV footage, pag-secure sa lugar, at paghingi ng SOCO assistance upang matukoy ang pinagmulan ng alitan at kompletong detalye ng insidente.