Patay ang isang 20-anyos na lalaki matapos pagbabarilin sa loob ng isang kubo sa Purok 1, Barangay Sta. Clara sa Batangas City nitong gabi ng May 18.
Ayon sa imbestigasyon ng Batangas Component City Police Station, bandang alas-10:59 ng gabi nang lapitan umano ng suspek ang biktima habang nakaupo ito sa isang kubo. Bigla na lamang umanong nagpaputok ng ilang beses ang suspek gamit ang hindi pa agad natukoy na uri ng baril, dahilan para tamaan ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nakatanggap naman ng tawag mula sa concerned citizen ang mga pulis bandang alas-12:10 ng madaling araw habang nagsasagawa ng Oplan Galugad sa Barangay Cuta. Agad rumesponde ang mga awtoridad sa lugar ng insidente.
Isinugod pa sa pagamutan ang biktima pero binawian rin ito ng buhay habang ginagamot sa ospital bandang alas-12:18 ng madaling araw ng May 19.
Matapos ang follow-up operation, naaresto rin ng mga pulis ang 59-anyos na suspek na isang caretaker at residente rin ng Barangay Sta. Clara. Narekober din umano mula sa kanya ang isang caliber .45 pistol at magazine na may lamang bala.
Sa ngayon, inihahanda na ng mga awtoridad ang kaukulang kaso laban sa suspek habang nagpapatuloy pa ang mas malalim na imbestigasyon sa motibo ng pamamaril.