Dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga ang arestado matapos ang isinagawang buy-bust operation ng mga pulis sa Brgy. Sta. Clara, Batangas City pasado alas-12 ng madaling araw nitong May 21.
Kinilala ang mga suspek na sina “Bogs,” 45-anyos, at “Bopak,” 44-anyos na isang fish vendor. Pareho silang residente ng Batangas City.
Ayon sa Batangas Police Provincial Office, nahuli umano ang dalawa matapos bentahan ng hinihinalang shabu ang isang police poseur-buyer kapalit ng sampung libong pisong buy-bust money.
Bukod sa sachet na nabili ng undercover na pulis, narekober pa ng mga operatiba ang 42 iba pang sachet na may lamang puting kristal na substance na pinaniniwalaang shabu. Tinatayang nasa mahigit 209 grams ang kabuuang timbang nito at may standard drug price na umaabot sa mahigit P1.4 million.
Nakumpiska rin sa operasyon ang isang purse, marked money, boodle money, at ilang cash na umano’y nakuha sa mga suspek.
Dinala na ang mga suspek sa forensic unit para sa drug test at laboratory examination habang inihahanda naman ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Kasalukuyan silang nakakulong sa custodial facility ng Batangas police.