Mas pinalawak pa ng Pag-IBIG Fund ang abot ng housing loans nito matapos itaas sa hanggang PHP10 million ang maximum loan per borrower, para mas maraming Filipino workers, lalo na sa middle-income at higher-earning groups, ang makabili ng sariling bahay sa Metro Manila at iba pang highly urbanized areas sa Pilipinas.
Ayon sa Pag-IBIG Fund, layunin ng hakbang na ito na palawakin pa ang access sa long-term at affordable housing finance, kasabay ng pagpapatuloy ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino o Expanded 4PH Program. Isa rin umano itong tugon sa patuloy na supply ng ready-for-occupancy housing units, lalo na sa Metro Manila kung saan may oversupply ng ilang condominium units.
Sabi ng mga opisyal, ang mas mataas na loan ceiling ay dagdag suporta sa mga housing units na hindi na sakop ng socialized housing, pero kailangan pa rin ng long-term financing para maging abot-kaya sa mga empleyado na nagtatrabaho malapit sa kanilang workplace, schools, at business areas.
Ayon kay DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, layunin nito na gawing mas inclusive ang homeownership para sa iba’t ibang income level ng Filipino workers. Dagdag niya, mahalaga rin na magtulungan ang developers at financing institutions para maibagay ang presyo ng units sa kakayahan ng mga miyembro.
Samantala, sinabi ni Pag-IBIG Fund CEO Marilene Acosta na kaya na ngayong mag-alok ng mas mataas na loan dahil sa matatag na financial position ng ahensya, habang nananatiling mababa ang interest rates kumpara sa iba sa merkado. Maaaring umabot ang loan terms hanggang 30 years, na may interest na puwedeng kasing baba ng 5.75 percent depende sa fixing period.
Nilinaw din ng Pag-IBIG na dadaan pa rin sa credit evaluation at capacity-to-pay check ang bawat borrower para matiyak na responsable at sustainable ang pag-utang.
Sa huli, sinabi ng ahensya na layunin nitong gawing mas practical option ang pagmamay-ari ng bahay kaysa pagrenta, lalo na sa mga urban areas kung saan malaking bahagi ng kita ng pamilya ang napupunta sa upa.