Opens in a new tab
Skip to content
Community

DOLE, magpapatupad ng proteksyon sa mga manggagawa laban sa matinding init

Maglalabas ang Department of Labor and Employment o DOLE ng mga labor advisory para protektahan ang mga manggagawa sa harap ng matinding init at posibleng epekto ng El Niño.

Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, maaaring gawing dahilan ang heat index na 40 degrees Celsius, na nasa kategoryang extreme caution, upang hindi pumasok sa trabaho, alinsunod sa ilalabas na guidelines.

Papayagan din ang delivery riders na tumanggi sa delivery kapag umabot sa 42 degrees Celsius pataas ang heat index, partikular mula alas-dose ng tanghali hanggang alas-tres ng hapon. Hindi rin sila dapat maparusahan dahil sa pagkaantala ng delivery kung kailangan nilang magpahinga sa mga itinalagang cooling station.

Kabilang din sa mga planong hakbang ang flexible working arrangements, pagsusuot ng preskong damit, at pagbawas sa exposure sa init, lalo na para sa mga construction worker at iba pang nagtatrabaho sa labas.

Ayon kay Tolentino, walang dapat kaltas sa sahod dahil sa mga hakbang na ito, alinsunod sa ilalabas na advisory at naaangkop na patakaran. Maaari ring makatanggap ng compensation o reimbursement ang mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor para sa work-related heat injuries, gaya ng heat stroke, heat cramps at heat exhaustion, sa pamamagitan ng Employees’ Compensation Commission o ECC.

Bahagi ito ng paghahanda ng DOLE sa matinding init upang mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng mga manggagawa.