Simula June 1 hanggang December 31, 2026, magpapatupad ang Land Bank of the Philippines ng zero convenience fee sa ilang online government payments para mas mapagaan ang gastos ng mga Pilipino sa araw-araw na transaksyon.
Ayon sa anunsyo, sakop ng fee waiver ang person-to-government o P2G payments na dadaan sa QRPh system. Kabilang dito ang mga bayad tulad ng police clearance, business permits, real property tax, apostille services, at iba pang government fees sa mga ahensya tulad ng LGUs, national agencies, GOCCs, SUCs, at water districts.
Magagamit ang libreng serbisyo sa tatlong channels: sa LANDBANK Link.BizPortal via QRPh option, QRPh standees sa mga government offices, at mga government websites na may LANDBANK payment option. Pero hindi sakop ang ibang payment methods at posibleng charges ng ibang service providers.
Ayon sa pamunuan ng LANDBANK, layunin nitong gawing mas abot-kaya at mas madaling gamitin ang digital government services, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin.
Dagdag pa nila, bahagi ito ng mas malawak na programa para sa financial inclusion at digital banking adoption sa bansa. Kamakailan din ay binaba ng bangko ang InstaPay fees para mas mura ang online transfers.