Opens in a new tab
Skip to content
Business

ASEAN summit, inaasahang magbukas ng mas malawak na oportunidad sa negosyo at trabaho

Trabaho, kalakalan, at digital transactions ang ilan sa mga usaping inaasahang magdadala ng konkretong resulta para sa mga Pilipino sa 49th ASEAN Summit sa November 15 hanggang 17.

Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, dapat maramdaman ng publiko ang pakinabang ng hosting ng Pilipinas, lalo na sa paglikha ng trabaho, pagpasok ng investments, at pagpapalawak ng oportunidad para sa mga negosyo.

Kabilang sa mga inaasahang hakbang ang pag-usad ng negosasyon sa ASEAN-Canada Free Trade Agreement, na maaaring magbigay sa Filipino exporters ng mas maraming pagkakataong makapasok sa Canadian market.

Nakatakda ring lagdaan ng ASEAN member states ang Digital Economy Framework Agreement. Layunin nitong pag-isahin ang mga patakaran sa digital trade, palakasin ang proteksiyon sa data at cybersecurity, at gawing mas madali para sa maliliit na negosyo ang pagbebenta ng produkto sa online market.

Sa November 15 hanggang 17, magtitipon sa Philippine International Convention Center ang 20 heads of state and government, kasama ang libo-libong delegates at business leaders, para talakayin ang regional at global concerns sa politika, seguridad, at ekonomiya.

Sa pulong nitong Lunes, iniulat ng mga ahensiya kay Recto na pasok sa target ang paghahanda, kabilang ang seguridad, convoy routes, at traffic adjustments.

Bilang chair ng ASEAN National Organizing Council, inatasan ni Recto ang mga ahensiya na panatilihin ang koordinasyon at tiyaking maingat ang paggamit sa pondo ng bayan.