Nagsalita si PCO Undersecretary Claire Castro matapos ang naging komprontasyon niya sa ilang Pilipinong nagpoprotesta sa Vancouver, Canada kasabay ng pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Castro, gumagawa lamang sila ng video content para sa official visit ng Pangulo nang lapitan at sigawan umano siya ng ilang demonstrador, dahilan upang maputol ang kanilang trabaho.
Sinabi rin ng opisyal na iginagalang niya ang freedom of expression, ngunit naniniwala siyang hindi dapat nauuwi sa pambabastos ang pagpapahayag ng opinyon.
Nagbiro rin si Castro kaugnay sa mga personal na batikos na ibinato sa kanya, kabilang ang pagtawag umano sa kanya na “pangit” at “sinungaling.”
Nauna nang kumalat sa social media ang mga video ng insidente kung saan makikitang may sigawan sa pagitan ng ilang nagpoprotesta at ng Palace official sa Vancouver, Canada.