Dahil sa patuloy na pagtaas ng singil sa kuryente, nais ngayon ng ilang senador na busisiin ang mga reklamo ng mga konsyumer tungkol sa “bill shock,” kuwestiyonableng meter readings, at system loss charges na naipapasa sa mga nagbabayad na customer.
Naghain si Senador Panfilo Lacson ng Senate Resolution No. 511 upang siyasatin kung sapat pa ba ang mga umiiral na regulasyon para maprotektahan ang publiko laban sa sobra o hindi makatwirang singil sa kuryente.
Binanggit ni Lacson na tumaas ang residential rate ng Meralco mula P13.2730 kada kilowatt-hour noong Enero hanggang P14.8261 kada kilowatt-hour nitong Hulyo 2026.
Kabilang din sa gustong suriin ng senador ang system losses na nagmumula sa ilegal na koneksyon, meter tampering, at paggamit ng jumper, na nauuwi umano sa dagdag gastos para sa mga lehitimong consumer.
Samantala, nanawagan naman si Senate President Sherwin Gatchalian sa National Grid Corporation of the Philippines na pabilisin ang modernisasyon ng power grid upang makatulong sa pagpapababa ng power losses at mapahusay ang serbisyo ng kuryente sa bansa.
Samantala, naghain din si Senador Risa Hontiveros ng Senate Resolution No. 509 para imbestigahan ang mga reklamo hinggil sa maling meter readings at labis na mataas na electricity bills.
Nilinaw naman ng Energy Regulatory Commission o ERC na hindi laging kailangang bayaran agad ng mga consumer ang buong halagang pinagtatalunang bill upang maiwasan ang disconnection. Kasabay nito, muling tumaas ang singil ng Meralco ngayong Hulyo ng P0.3428 kada kilowatt-hour, katumbas ng halos P69 dagdag-singil para sa isang bahay na kumokonsumo ng 200 kilowatt-hours kada buwan.