Bagama’t bumagal ang inflation sa CALABARZON noong Hunyo 2026, nananatiling mataas ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa rehiyon.
Ayon sa Philippine Statistics Authority o PSA, naitala sa 6.3 percent ang inflation noong Hunyo, mas mababa kumpara sa 6.8 percent noong Mayo. Gayunman, mas mataas pa rin ito kumpara sa 1.8 percent na naitala noong Hunyo ng nakaraang taon.
Kabilang sa mga patuloy na may mataas na pagtaas ng presyo ang transportasyon na may 10.8 percent inflation, habang nasa 9.7 percent naman ang pabahay, tubig, kuryente at iba pang fuel. Nasa 3.4 percent naman ang inflation para sa pagkain at mga non-alcoholic beverage.
Sa sektor ng pagkain, mas mabilis ang pagtaas ng presyo ng tinapay at iba pang bakery products, mga ready-made food, at ilang gulay. Samantala, nanatiling mataas ang inflation ng bigas sa 11.1 percent, kahit mas mababa ito kumpara sa nakaraang buwan.
Sa antas ng mga lalawigan, pinakamataas ang inflation sa Laguna na umabot sa 8 percent, habang nasa 6.9 percent ang Rizal, 6.2 percent ang Cavite, 5.5 percent ang Quezon, at 3.8 percent ang Batangas. Naitala naman sa 3.7 percent ang inflation sa Lucena City.
Ayon pa sa PSA, nasa 74 sentimo na lamang ang halaga ng piso kumpara sa purchasing power nito noong 2018, na nangangahulugang mas kaunti na ang nabibili ng isang piso kumpara sa nakalipas na mga taon.