Aabot sa mahigit 300 mag-aaral mula sa Calicanto Elementary School at Sta. Clara Elementary School sa Batangas City ang nakatanggap ng school supplies sa ilalim ng programang “Wish Mo, Mine Ko” ng Batangas Police Provincial Office.
Isinagawa ang outreach activity noong July 13 at 14, kung saan namahagi ng mga Grade 1 starter pack, lunch box set, at hygiene kit para makatulong sa paghahanda ng mga bata sa bagong pasukan.
Pinangunahan ang programa ng Batangas PPO sa pamumuno ni PCOL Oliver B. Ebora, kasama sina PMAJ Hazel L. Suarez at PLT Nena Bodoy Garcia, katuwang ang iba pang yunit ng pulisya at mga volunteer.
Naging posible ang programa sa tulong ng mga civilian sponsor, retiradong PNP personnel, at mga miyembro ng Batangas PPO na nagbigay ng suporta para sa mga mag-aaral.
Layunin ng proyekto na makapagbigay ng agarang tulong sa mga batang mag-aaral at palakasin ang pakikipag-ugnayan sa komunidad sa pagsisimula ng bagong school year.