Nagbabala ang Commission on Elections o Comelec sa mga kandidato sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections laban sa paggamit ng mga programa at pondong pampubliko upang makakuha ng suporta sa eleksyon.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, maaaring magpatuloy ang ilang programa ng pamahalaan, pero kailangan munang kumuha ng pahintulot o exemption mula sa Comelec. Binigyang-diin din niya na hindi dapat gamitin ng sinumang kandidato ang ayuda at iba pang benepisyo ng gobyerno bilang bahagi ng pangangampanya.
Nagbabala rin si Garcia na kahit isang litrato lamang ng kandidato sa lugar kung saan may pamamahagi ng ayuda ay maaaring gamitin bilang ebidensya sa posibleng disqualification case.
Dagdag pa niya, mahihigpitan ang pamamahagi ng karamihan sa mga financial assistance program 10 araw bago ang BSKE, maliban sa mga agarang tulong tulad ng burial at emergency medical assistance. Inilahad ni Garcia ang paalala sa kanyang pagbisita sa Bais City, Negros Oriental para sa voter education campaign ng Comelec.