Sa edad na 10, nakakuha ng dalawang medalya sa international competition ang isang batang atleta mula sa Barangay San Antonio, Sto. Tomas City, Batangas matapos kumatawan sa Pilipinas sa 19th World Taekwondo Culture Expo na ginanap sa Taekwondowon, Muju County, Republic of Korea mula Hulyo 16 hanggang 21, 2026.

Nag-uwi si Sakura Shemariah Grace C. Meera ng Silver Medal sa Grade School Female Advance 1 Poomsae at Bronze Medal sa Grade School Female Advance 1 Kyorugi. Bahagi siya ng Team Philippines sa ilalim ng JBM Taekwondo Academy at nagsasanay sa San Antonio Kickers Taekwondo Academy sa ilalim ng Kap Tetet Youth Development Program.

Nagsimula si Sakura sa taekwondo sa edad na pitong taong gulang. Mula sa mga lokal na torneo, umangat siya sa provincial, regional, national, at international competitions.
Sa kasalukuyan, nakapagtipon na siya ng 8 gold medals, 8 silver medals, at 2 bronze medals mula sa iba’t ibang torneo sa loob at labas ng bansa.
Kabilang sa kanyang mga naging tagumpay ang podium finishes sa Japan, Singapore, Thailand, at pinakahuli sa South Korea. Bukod sa pagiging atleta, kilala rin si Sakura bilang isang estudyante na pinagsasabay ang pag-aaral at pagsasanay sa sports.

Ayon sa kanyang pamilya, layunin ng batang atleta na patuloy na magbigay inspirasyon sa iba pang kabataan na abutin ang kanilang mga pangarap sa pamamagitan ng disiplina, sipag, at tiyaga.

Kasalukuyan siyang naghahanda para sa National Taekwondo Championship, Batang Pinoy 2026, at isa pang international tournament sa China.
Patuloy rin siyang nagsisilbing inspirasyon sa maraming kabataan sa Batangas na nangangarap na balang araw ay makatawan din sa Pilipinas sa pandaigdigang entablado ng sports. | JPamintuan, BChannel News | 📸 Jhonel C. Meera