Isang pares vendor ang nasawi matapos pagsasaksakin ng isang suspek matapos ang mainitang pagtatalo sa Barangay Tinga Labak, Batangas City.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Batangas City Police Station, nagtitinda ng pares ang biktimang si Anthony, na tubong Mabini at residente ng Purok 1, Barangay Santa Rita Karsada, Batangas City, nang lapitan siya ng ilang lalaki at umorder ng pagkain.
Matapos kumain, nagreklamo umano ang mga lalaki dahil wala raw karne ang kanilang inorder, na nauwi sa pagtatalo. Sa gitna ng komosyon, isa sa mga suspek ang biglang bumunot ng balisong at ilang beses sinaksak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Isinugod si Anthony sa Batangas Medical Center, ngunit idineklarang dead on arrival bandang alas-10:57 ng gabi.
Ayon sa pulisya, tumakas ang mga suspek sakay ng isang kulay asul na kotse patungo sa direksyon ng Ibaan, Batangas.

Sa follow-up operation, dalawang suspek mula sa anim na sangkot ang naaresto sa Barangay Soro-Soro. Patuloy naman ang operasyon ng mga awtoridad para mahuli ang apat pang suspek na natukoy na rin ng mga imbestigador.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay ng insidente. | BChannel News