Patuloy na nakararanas ng maulan na panahon ang ilang bahagi ng bansa dahil sa epekto ng habagat at easterlies, ayon sa PAGASA.
Apektado ng kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Ilocos Region, Zambales, at Bataan, habang nakararanas din ng kaparehong lagay ng panahon ang Eastern Visayas, Caraga, at Davao Region.
Nagbabala ang weather bureau sa posibilidad ng flash floods at landslides lalo na kung lalakas ang ulan sa mga nabanggit na lugar. Sa Metro Manila, maging sa Cordillera Administrative Region, Pampanga, Tarlac, Bulacan, Cavite, Batangas, Palawan, Occidental Mindoro, at Oriental Mindoro, posible rin ang mga panaka-nakang pag-ulan at pagkulog-pagkidlat.
Sa kabila nito, wala namang binabantayang low pressure area na maaaring maging bagyo sa kasalukuyan.
Samantala, nananatiling katamtaman ang hangin at alon sa kanlurang bahagi ng Luzon, habang magaan hanggang katamtaman naman ang kondisyon ng karagatan sa nalalabing bahagi ng bansa.