Maaaring makaranas ang bansa ng dalawa hanggang apat na tropical cyclone sa loob o paligid ng Philippine Area of Responsibility o PAR ngayong Agosto, ayon sa PAGASA.
Bagama’t may inaasahang pagbuo ng El Niño sa mga susunod na buwan, sinabi ng weather bureau na posible pa ring magkaroon ng mga sama ng panahon na maaaring lumakas at maging typhoon o maging super typhoon.
Ayon sa PAGASA, inaasahan pa rin ang pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa sa Agosto, habang may ilang lugar na posibleng makaranas ng mas tuyong panahon sa mga susunod na buwan. Kabilang sa binabantayan ang mga lugar sa Southern Luzon, Visayas, at Mindanao na maaaring maapektuhan ng dry spell o tagtuyot.
Dahil dito, pinapayuhan ang publiko, lalo na ang mga nasa coastal at flood-prone areas, na patuloy na bantayan ang mga weather advisory at forecast ng PAGASA habang papasok ang mga susunod na buwan ng tag-ulan.