Opens in a new tab
Skip to content
National

DMW, ipinasara ang illegal lodging facility na tinutuluyan ng 160 OFW applicants

Inilipat sa mas ligtas na matutuluyan ang 160 overseas Filipino worker o OFW applicants matapos ipatigil ng Department of Migrant Workers-National Capital Region o DMW-NCR ang operasyon ng isang hindi rehistradong lodging facility sa Quezon City noong October 22, 2026.

Pinatatakbo ito ng Mirben International Manpower Agency sa Luzon Avenue, Barangay Pasong Tamo, kung saan natuklasan ang siksikan at hindi ligtas na kondisyon ng mga aplikante.

Nagsagawa ng operasyon ang DMW-NCR kasama ang Overseas Workers Welfare Administration o OWWA at mga opisyal ng barangay, kasunod ng dalawang reklamo at inspeksiyon sa pasilidad.

Sa isinagawang pagsusuri, napag-alamang kulang ang bunk beds, wala pang sampu ang palikuran, at pitong ceiling fan lamang ang ginagamit ng 160 aplikante. Iniulat din ang karagdagang singil sa tubig at pagkain, kawalan ng libreng Wi-Fi, at limitadong oras ng pag-charge ng mga electronic device.

Ayon sa DMW, walang kinakailangang rehistro at awtorisasyon ang pasilidad para tumanggap ng mga aplikanteng naghahanap ng trabaho sa ibang bansa.

Bilang agarang tulong, naglaan ang OWWA ng transportasyon at pansamantalang matutuluyan para sa mga apektadong aplikante sa Kabayan Hotel at Bay Area Hotel.

Tiniyak naman ni DMW-NCR Regional Director Atty. Falconi Millar na hindi makakansela ang kanilang overseas employment applications at magpapatuloy ang pagproseso habang inililipat sila sa mas maayos na tirahan.

Hinimok din ng DMW ang mga aplikante na huwag matakot magsumbong at ireport ang anumang mapanganib na kondisyon sa kanilang tinutuluyan, kahit hindi pa sila nakaaalis ng Pilipinas.