Mariing itinanggi ni Senadora Loren Legarda ang mga alegasyong iniuugnay sa kanya kaugnay ng iniulat na preliminary investigation ng Ombudsman tungkol sa P10-bilyong solar projects na may kaugnayan sa kanyang anak na si Batangas 1st District Representative Leandro Leviste.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ni Legarda na mula nang magsimula ang kanyang serbisyo publiko noong 1998, pinangangalagaan niya ang kanyang integridad at itinuturing niyang walang basehan ang mga paratang laban sa kanya. Aniya, wala pa silang natatanggap na opisyal na komunikasyon mula sa Office of the Ombudsman kaugnay ng naturang imbestigasyon.
Iginiit din ng senadora na walang pampublikong pondo ang sangkot sa usapin at handa silang ilahad ang kanilang panig upang malinawan ang publiko. Hinimok rin niya ang publiko na maging mapanuri sa pagtingin sa mga alegasyon habang nagpapatuloy ang proseso.
Ang pahayag ni Sen. Legarda ay kasunod ng sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na isasailalim sa preliminary investigation sina Legarda, Leviste, at dating Energy Secretary Alfonso Cusi kaugnay ng mga akusasyong o reklamong plunder, graft, at conflict of interest na may kaugnayan sa mga solar energy projects.