Hindi magpapatupad ng pansamantalang ban sa pagpasok ng imported rice ang Department of Agriculture, kahit nalalapit na ang anihan ng palay sa bansa.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., mahalagang mapanatili ang sapat na suplay ng bigas bilang paghahanda sa posibleng malakas na epekto ng El Niño sa mga susunod na buwan. Aniya, umabot na sa 3.3 milyong metriko tonelada ang rice imports ng bansa at patuloy pa rin itong mino-monitor ng ahensya.
Kasabay nito, sinabi ng DA na umaasa silang hindi na mauulit ang malaking pagbagsak ng farmgate price ng palay na naranasan noong nakaraang taon. Target umano nilang mabili ng mga trader ang basang palay sa humigit-kumulang P20 hanggang P21 kada kilo.
Bilang suporta sa mga magsasaka, handa rin umanong bumili ang National Food Authority o NFA ng hanggang 500,000 metriko toneladang palay ngayong taon. Naglaan din ang pamahalaan ng humigit-kumulang P20 bilyon para sa procurement program, higit doble kumpara sa pondo noong nakaraang taon.
Layunin ng DA na tiyaking sapat ang suplay ng bigas habang napoprotektahan din ang kita ng mga lokal na magsasaka.