Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

Miyembro ng Bantay Dagat sa Lobo, Batangas nasawi habang nasa boat-towing operation

Lalaki, Sugatan sa Pananaksak sa Talisay, Batangas

Nasawi ang isang Bantay Dagat personnel matapos umanong mawalan ng malay habang tumutulong sa boat-towing operation sa Coast Guard Sub-Station Lobo, Barangay Sawang, Lobo, Batangas nitong Agosto 10.

Kinilala ng Philippine Coast Guard, sa pamamagitan ng Coast Guard Station Batangas, ang nasawi na si Chris, 25 anyos, residente ng Barangay Lagadlarin, Lobo, Batangas.

Batay sa paglilinaw ng Coast Guard, tumutulong ang biktima sa mga tauhan ng Coast Guard sa paghila ng isang bangka. Hawak umano niya ang towing cable habang hinihila ito gamit ang hoist winch. Habang isinasagawa ang operasyon, bigla umano siyang sumigaw at bumagsak na kung saan tumama ang kanang balikat sa concrete surface.

Agad siyang nilapitan ng mga tauhan ng Coast Guard at isinailalim sa first aid at CPR bago isinugod sa Lobo District Hospital, kung saan siya idineklarang dead on arrival.

Una nang iniulat ng Lobo Municipal Police Station na maaaring nakuryente ang biktima matapos umano siyang makaranas ng hindi makontrol na panginginig ng katawan habang tumutulong sa paghila ng bangka gamit ang electric winch.

Batay naman sa kasunod na pahayag ng Philippine Coast Guard, hindi pa nakukumpirma na electrocution ang sanhi ng kanyang pagkamatay.

Ayon sa Coast Guard, walang nakitang burn marks sa katawan ng biktima. May nakita lamang umanong maliit na abrasion o gasgas sa kanyang kanang kamay.

Dahil dito, hindi pa natutukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay at nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Nilinaw rin ng Coast Guard na 25 anyos ang biktima, taliwas sa unang inilabas na report ng Lobo PNP na 23 anyos.

Inirekomenda rin umano ang pagsasagawa ng autopsy upang mas matukoy ang sanhi ng pagkamatay. Gayunman, hindi ito pinayagan ng pamilya ng biktima, ayon sa Coast Guard Station Batangas.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang buong pangyayari sa boat-towing operation sa Coast Guard Sub-Station Lobo, Barangay Sawang, Lobo, Batangas. Samantala, bumisita naman si Mayor Emong Alfiler sa burol at sa pamilya ng biktima upang magpaabot ng pakikiramay at agarang tulong. | BChannel News