Opens in a new tab
Skip to content
Business

France, magpapautang ng P14-B para sa food security program sa Pilipinas

Makakatanggap ang Pilipinas ng 200 million euros o humigit-kumulang P14 bilyon mula sa gobyerno ng France para pondohan ang isang programa na layong mapabuti ang access sa masustansyang pagkain ng mga pamilyang mababa ang kita.

Ayon sa Department of Finance o DOF at sa French development agency na Agence Française de Développement o AFD, ilalaan ang pondo para sa Reducing Food Insecurity and Undernutrition with Electronic Vouchers o REFUEL Project.

Ipatutupad ang programa katuwang ang Department of Social Welfare and Development o DSWD at target nitong matulungan ang humigit-kumulang 750,000 low-income households sa buong bansa. Sa ilalim ng proyekto, makatatanggap ang mga kwalipikadong pamilya ng buwanang electronic food vouchers na magagamit sa mga accredited retailers para makabili ng pagkain.

Sinabi ni Finance Secretary Frederick Go na layunin ng programa na mabigyan ng mas madali at mas maayos na access sa masustansyang pagkain ang mga vulnerable na pamilya. Aniya, makatutulong din ang digital system upang maging mas malinaw at episyente ang proseso ng pagbibigay ng ayuda.

Bukod sa food vouchers, kabilang din sa programa ang nutrition at livelihood support. Magkakaroon ng mga session tungkol sa wastong nutrisyon para sa mga ina at bata, tamang hygiene practices, healthy meal planning, at mga oportunidad para sa pagkakaroon ng dagdag na kita.

Co-financed din ang REFUEL Project ng Asian Development Bank o ADB, na nagpapakita ng patuloy na suporta ng mga development partners ng bansa sa mga programang may kaugnayan sa food security at social protection. | BChannel news