Opens in a new tab
Skip to content
International

Magnitude 7.7 na lindol tumama sa Indonesia, 20, kumpirmadong patay

Dalawampu na ang kumpirmadong nasawi matapos tumama ang magnitude 7.7 na lindol sa Nagekeo District, East Nusa Tenggara, Indonesia nitong Sabado ng umaga.

 

Ayon sa Indonesia’s disaster agency, anim pa ang sugatan habang dalawa ang pinaniniwalaang natabunan ng mga gumuhong istruktura. Patuloy ang search and rescue operations sa mga apektadong lugar sa kabila ng mga landslide na nagpapahirap sa pagdaan ng mga responder.

Ang lindol ay naitala sa lalim na 15 kilometro at may epicenter sa karagatan malapit sa Mbay, Nagekeo. Naramdaman din ang malakas na pagyanig sa iba pang bahagi ng East Nusa Tenggara, West Nusa Tenggara, at South Sulawesi.

Kasunod ng lindol, naglabas ng tsunami warning ang mga awtoridad dahil sa posibilidad ng mga alon na maaaring umabot sa tatlong metro sa ilang baybaying lugar. Gayunman, inalis na rin ang naturang babala makalipas ang ilang oras matapos ang pagsusuri ng sitwasyon.

Naitala rin ang ilang malalakas na aftershocks, kabilang ang dalawang magnitude 6.2 na lindol. Sa kabila ng pag-alis sa tsunami warning, pinayuhan pa rin ang mga residente na umiwas sa mga nasirang gusali at manatiling alerto sa mga abiso ng mga awtoridad.

Samantala, sinabi ng Embahada ng Pilipinas sa Jakarta na wala pa silang natatanggap na ulat na may Pilipinong kabilang sa mga naapektuhan ng lindol. Patuloy rin umano silang nakikipag-ugnayan sa Filipino community sa Indonesia upang mabantayan ang kanilang kalagayan at magbigay ng kinakailangang tulong kung kinakailangan.