Opens in a new tab
Skip to content
International

OFWs sa Milan, Italy, pinayuhang iwasan ang mga lugar na may demonstrasyon

Pinayuhan ng Department of Migrant Workers o DMW ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa Milan, Italy, na mag-ingat at umiwas sa mga lugar na may demonstrasyon kasunod ng kaguluhang naganap noong Linggo, October 18.

Ayon sa DMW, patuloy na mino-monitor ng Migrant Workers Office o MWO Milan, sa pangunguna ni Labor Attaché Margarita Eugenia Fabon Victorino-Marquez, ang sitwasyon para matiyak ang kaligtasan ng mga overseas Filipino workers o OFWs.

Batay sa paunang ulat, nagkaroon ng sagupaan sa pagitan ng mga pulis at ilang demonstrador malapit sa Piazza Duomo. Kabilang sa mga naitalang insidente ang paghahagis ng mga bato, paninira sa mga tindahan, at pagsusunog ng mga basurahan. Gumamit din umano ng tear gas ang mga pulis para makontrol ang kaguluhan.

Sa ngayon, wala pang kumpirmadong ulat na may Pilipinong nasaktan o direktang naapektuhan ng insidente. Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang MWO Milan sa mga lokal na awtoridad para makakuha ng karagdagang impormasyon.

Pinapayuhan ang mga manggagawang Pilipino na huwag lumapit o makilahok sa mga pagtitipong posibleng mauwi sa karahasan, sundin ang mga direktiba ng lokal na pamahalaan, at bantayan ang mga opisyal na anunsyo ng mga awtoridad ng Italy at mga tanggapan ng Pilipinas.

Para sa mga nangangailangan ng tulong, maaaring makipag-ugnayan sa MWO Milan.